mongster's nest

- disturbing fantasies, traumatic verses, definitely mongrel thoughts

who am i

User: mongpalatino
Name: mong palatino
activist, blogger, and legislator. email me at mongpalatino@gmail.com





  • Contact me
  • My profile
  • Linkme

Global Voices Online - The world is talking. Are you listening?


Counter

visited *loading* times

 
Sunday, 17 May 2009
Campus Press at Halalang 2010

Talumpating binigkas sa 69th National Convention ng College Editors Guild, Lucena City, Mayo 17, 2009.

Pagbati sa College Editors Guild, ang prestihiyoso at pinakamalaking organisasyon ng mga batang mamamahayag sa bansa. Ako po ay galing sa National Union of Students na itinatag noong 1957. Pero ang CEGP, 1931 ipinanganak. Ibig sabihin, 1931 pa lamang ay pinangungunahan na ng CEGP ang student movement sa bansa. Wala nang ibang organisasyon ang kayang tumapat sa naabot ng inyong grupo. Kinikilala na hanggang sa kasalukuyan patuloy ang inyong paglawak at pagkamit ng mga tagumpay sa iba’t ibang laban.

Una kong nakilala ang CEGP noong 1999. Ginulat ng CEGP leaders ang marami nang maglagay sila ng busal sa bibig bilang protesta sa pang-aaway na ginagawa ni dating Pres. Joseph Estrada sa media. Gamit ang islogang “Gag us Not”, pinaunawa ng CEGP sa publiko ang ibig sabihin sistematikong panunupil sa mass media. Kasama rin ang CEGP sa malaking rali na ginawa sa Ayala noong Agosto 1999 upang ipaglaban ang karapatang sibil ng mamamayan.

Naging mahalaga rin ang aktibong papel na ginampanan ng CEGP noong People Power II. Nagkaisa ang campus press sa paglalabas ng mga ispesyal na isyu ng kanilang mga publikasyon upang isiwalat ang mga iskandalong kinakasangkutan ng gobyernong Estrada. Ang mga pahayag ng CEGP ay laging makabuluhan, marubdob at matalino. Laging inaabangan ang mga nilalabas na publikasyon ng CEGP sa mga forum, rali, at loob ng mga kampus.

Pagkatapos ng Edsa Dos ay isa na naming pambansang kampanya ang nilahukan ng CEGP: ang kampanya upang ibasura ang ROTC. Tagumpay ang laban! Dahil sa sama-samang pagkilos ng kabataan, ang ROTC ay hindi na compulsory sa kasalukuyan.

Hindi nawawala ang boses ng CEGP sa pagrerehistro ng tindig nito sa mga pambansang usapin. Laging progresibo ang posisyon ng CEGP: sa isyu ng reporma sa edukasyon, krisis sa ekonomiya, dayaan tuwing halalan, korupsiyon sa pamahalaan, at siyempre sa usapin ng kalayaan sa pamamahayag. Kung iisa-isahin ko ang mga makabayang tindig ng CEGP, baka abutin tayo ng 2010.

Kasama ang CEGP nang binuo namin ang Anak ng Bayan Youth Party noong 2001. Kabilang ang CEGP sa nagbalangkas ng youth agenda ng partido noong 2003. Si Ronalyn Olea, dating tagapangulo ng CEGP, ang 3rd nominee ng Anak ng Bayan noong 2004. Nang lumahok ulit ang partido sa halalan noong 2007, gamit ang bagong pangalan – Kabataan Partylist – kasama pa rin naming ang CEGP. Hindi mabubuo, hindi magtatagumpay ang Kabataan Partylist kung wala ang matayog na suporta ng CEGP.

Sa madaling salita, ang inyong kinatawan ay hindi lang boses ng Kabataan Partylist sa Kongreso. Ako rin po ay kinatawan ng CEGP sa Kongreso.

Ituloy ang eleksiyon

Totoo ang balita. May mga elemento sa lipunan na nais biguin ang ating hangaring matuloy ang eleksiyon sa 2010. Si PGMA ang makikinabang kung hindi matutuloy ang eleksiyon. Nais ninyo bang manatili pa si Arroyo bilang Presidente o Prime Minister? Sa tulong ng media, dapat itambol ang panawagang ituloy ang eleksiyon. Ituloy ang modernisasyon ng eleksiyon. Hindi No-el; kundi Mo-el o modernization of elections.

May mabigat na tungkulin ang media sa darating na halalan. Para magkaroon ng malinis at mapayapang halalan, kailangan natin ng kritikal at malayang palitan ng impormasyon sa bansa. Kailangang malayang makapagsulat at makapagbroadcast ang ating mga mamamahayag. Dapat manaig ang katotohanan. Walang takot na pwedeng ibalita ang mga anomalya sa halalan at pangangampanya.

Kung patuloy na gigipitin ang media, kung patuloy na patatahimikin ang mga palabang boses sa lipunan, kung haharangin ang mga expose, kung igigiit nilang ipatupad ang Right of Reply bill, huwag tayong umasang magiging matahimik, matapat at may kredibilidad ang halalang 2010.

Susi sa pagkakaroon ng halalang may mataas na kredibilidad ang pagtitiyak sa kalayaan ng media. Dapat labanan ang censorship. Kundenahin ang pagpaslang sa mga kasamahan natin sa media. Dapat biguin ang korupsiyon sa industriya. Dapat tukuyin at iwaksi ang dominasyon ng corporate interest sa media.

Malaki ang maitutulong ng media para magkaroon ng mga matalinong talakayan ukol sa eleksiyon. Sa pamamagitan ng media, maaari nating makilala nang husto ang mga kakandidato. Anu-ano ang kanilang posisyon sa mga isyung pambayan? Saan sila pumanig sa mga mahahalagang usapin? Sinu-sino ang nasa likod ng kanilang kandidatura? Ano ang kanilang plataporma para sa kabataan?

Alam ng mga kandidato ang kapangyarihan ng media. Susuyuin ang media. Tutuksuhin ang media. Aalukin kayo ng kayamanan at kapangyarihan. Dapat huwag masilaw, huwag matukso ang media. Pero marami pa rin ang mabibihag ng salapi. Bilangin ninyo ang mga dating kritikal na mamamahayag na ngayo’y nasa tabi na ni PGMA.

Dito higit na tumitingkad ang pangangailangan para sa alternative press.

Alternative media

Kayo ay bahagi ng alternative media. Ang CEGP ay kilalang tagapamandila ng alternatibong pamamahayag sa mga kampus. Dapat sikaping patatagin pa ang alternative media sa bansa.

Kung hindi kayang palabnawin ang malapot na kapit ng Big Business sa mainstream, nariyan ang alternative media na magpapatuloy ng krusada para sa katotohanan. Kung puro kandidatong may pera ang laging binabalita ng mainstream media, nariyan ang alternative media na pwedeng maglaan ng espasyo o airtime para sa mga kandidatong mahihirap ngunit may makabuluhang adhikain.

Malaki ang matutulong ng internet para sa operasyon ng alternative media. Maraming online media ang umaani ng mataas na respeto dahil sa kanilang matapang na pagbabalita. Nais kong ihalimbawa ang Bulatlat at Pinoy Weekly. Yakapin natin ang potensiyal ng Web 2.0 para sa pagsusulong ng katotohanan.

Huwag din natin maliitin ang bloggers. Totoo: marami sa kanila ay walang matinong mensahe na maaaring ibahagi. Marami sa kanila puro copy and paste lamang ang ginagawa sa kanilang mg blog. Pero marami rin ang matatalinong blogger sa bansa. Marami rin ang may tumpak at kritikal na opinyon tungkol sa kalagayan ng bansa. Parami nang parami ang mga blogger na nagiging saksi sa iba’t ibang kaganapan sa lipunan. Dapat hikayatin sila, pati ang iba pang ordinaryong mamamayan, na patuloy na magsulat, magbalita, magblog tungkol sa mga napapanahong usapin.

May tradisyunal, at mayroon ding new media. Pareho natin itong gamitin. Ilan sa mga publikasyon ninyo ang mayroon ng website? Ilan sa inyo ang bloggers? Ilan sa inyo ang gumagamit ng Twitter para sa breaking news? Malamang may Facebook page na ang mga dyaryo ninyo. Ilan ang gumagamit ng podcast? Pwede pa nating pag-aralan kung paano magagamit ang video blogging at mobile blogging sa ating pagbabalita.

Huwag pagbanggain ang tradisyunal at new media. Huwag din kalimutan na kahit sa new media, hindi pa rin nagbabago ang papel ng mamamahayag. Lahat ng ating sinusulat at binabalita ay para sa pagsusulong ng katotohanan. Mga katotohanang pakikinabangan, at dapat pakinabangan, ng publiko.

Kabataan at halalan

Tulad noong 2007 malaking bilang ng mga botante sa 2010 ay mga kabataan. Marami ang first time voters. Sana makaboto sa susunod na taon ang mga hindi nakaboto noong 2004 at 2007. Tinatayang aabot ng 50 bahagdan ang mga kabataang botante sa 2010. Tayong mga kabataan ang pipili kung sino ang papalit na presidente ng bansa. Exciting, di ba? Pero marami tayong tungkuling kailangang gampanan.

Una, kailangang magprehistro agad ang marami sa atin. Hindi automatic ang pagiging botante. Kailangang magparehistro sa Comelec office o sa city hall. Simple lamang ang proseso. Kung nakakainip pumila, magsama ng barkada o kaya’y magdala ng libro. Sana ang unang isyu ng mga dyaryo ninyo ngayong first sem ay may balita tungkol sa voters’ registration.

Kailangan din natin ang maagap na voters’ education. Kailangang ituro ang wastong pagpili ng mga kandidato. Kung matutuloy ang poll automation, dapat ipalaganap ang tamang paraan ng pagboto. Dapat ipaliwanag din kung ano ang partylist system. Pinakamahalagang paksa ang usapin kung bakit kailangang bumoto ang bawat isa. Marami kasi sa atin nagsawa na sa lumang sistema kaya ayaw bumoto tuwing halalan. Kailangan ng tuluy-tuloy na edukasyon upang kumbinsihin ang ating mga kababayan tungkol sa kahalagahan ng pagboto bilang pagtatanggol ng demokrasya. Karapatan at responsibilidad natin ang bumoto.

Pangunahan natin ang pagbubuo ng youth agenda. Iharap natin ito sa mga kandidato. Alamin ang kanilang tugon sa ating panawagan para sa mas mataas na badyet sa edukasyon, kalusugan at pabahay. Ano ang sagot nila sa kawalan ng trabaho sa bansa? Ano ang programa nila sa ekonomiya? Palaganapin natin ang youth agenda.

Idagdag natin ang ating boses para sa isang malinis na halalan. Kailangang ipabatid sa Comelec at sa mga lider ng bansa na gusto natin ng modernong halalan. Ngayon pa lamang ay magbuo na tayo ng mga anti-fraud at anti-violence network. Mahalaga ito upang bantayan ang pagboto at pagbibilang ng mga boto. Ayaw na natin ng mga Hello Garci at Hello Bedol. Ayaw na natin ng mga dagdag-bawas. Ayaw na natin ng karahasan tuwing halalan. Ayaw na natin ng 5G – guns, goons, gold, garci at gloria.

Tayo ang pagbabago

May iba’t ibang inisyatiba upang pukawin ang makabayang damdamin ng kabataan. Positibo ito. Napapansin ko lang na ang binibigyang diin ay may kinalaman sa mga indibidwal na pagkilos ng mga kabataan. Hindi na ito bago. Noon pa man marami na ang nanawagan ng pagbabago batay sa inisyatiba ng bawat isa. Kahit ang Malakanyang, nananawagan na ang pagbabago ay dapat magsimula sa sarili. Ang mga nasa kapangyarihan ay nananawagan rin ng pagbabago – pagbabago sa gawi, sa puso’t isipan. Lumang ideolohiya na ito.

Sinisisi ko ang dominanteng ideolohiya kung bakit popular ang ganitong mensahe. Di ba ito ang turo sa atin – na basta’t maging mabuting tao ka o mamamayan ay sapat na upang guminhawa ang lipunan. Huwag nang makialam sa pulitika; asikasuhin na lamang ang sarili at pamilya. Huwag nang magrali; huwag nang labanan ang dambuhalang sistema. Magsimula sa sarili. Ako mismo. Magpayaman, mamigay ng limos, magvolunteer, magpintura ng mga bahay. Sapat na ang mga ito.

Samantala, sila mismo – silang mga buwaya na nasa gobyerno – ay patuloy na nangangmkam ng yaman ng lipunan. Habang abala tayo sa ating mga sarili, sila mismo ay patuloy na nagkakalat ng lagim dun mismo sa ating mga komunidad. Kaya ang sagot ay hindi ako mismo kundi tayo mismo ang magpapalayas sa mga masasamang elemento ng lipunan. Tayo mismo, sa ating sama-samang pagkilos ang lilikha ng pagbabago sa bansa.

Hindi simple ang manawagan ng pagbabago. Hindi ito nadadaan sa pag-iimbento ng mga makukulay na palamuti sa katawan. May sakripisyong kailangang ibigay ang bawat isa kung nais natin ng tunay na pagbabago. May interes tayong babanggain kung seryoso tayong kikilos para sa pagbabago. Makapangyarihan ang interes na ito. Mabagsik silang kaaway. Mapanganib na laban. Kaya hindi uubra kung nag-iisa lang tayong sisigaw ng pagbabgo. Ikaw mismo ay mabibigo. Dapat kolektibo, dapat sama-samang manawagan ng pagbabago. Dapat pagtulungan natin sa ating mga organisasyon kung anong mga mainam na paraan upang isulong ang pulitika ng pag-asa, pagbabago at pakikibaka.

Bahagi ang CEGP sa ating binuong kilusan: Tayo ang Pagbabago. Layon nating pakilusin ang pinakamalawak na bilang ng mga kabataan – sa paaralan, komunidad, siyudad, probinsiya, pagawaan – upang maging pwersa ng pagbabago sa lipunan. Hindi lamang malinis na halalan ang ating ipaglalaban. Titiyakin din natin na magiging mas maaliwalas ang ating kinabukasan.

Sa ngalan ng Kabataan Partylist, hangad ko ang tagumpay ng inyong pagtitipon sa araw na ito. Binabati ko ang mga lider at miyembro ng CEGP.

Mabuhay ang Guilders!

posted by: mongpalatino at May 17, 2009 23:24 | link | comments (1) |
speeches


Comments:
#1  18 May 2009 - 18:39
 
Heard your privilege speech on the rising cost of education. I was at the gallery of the house earlier.

Keep up the good work Cong!

Anonymous
Comments: